Pinuri ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pagpasa ng 2026 General Appropriations Act (GAA), na tinawag niyang tunay na People’s Budget, kasunod ng pagpirma rito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Dy, sisiguruhin ng Kongreso ang mahigpit na pagbabantay upang matiyak na ang bawat pisong pondo ay gagamitin nang tama, episyente, at walang katiwalian.
Aniya, ang 2026 budget ay inklusibo, transparent, at nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan.
Binanggit din niya ang mga reporma sa proseso ng badyet, gaya ng pag-livestream ng bicameral deliberations at mas bukas na pagrepaso ng mga amendment. Nangunguna sa pondo ang edukasyon na may ₱1.34 trilyon pinakamalaki sa kasaysayan habang umabot naman sa ₱448.12 bilyon ang pondo para sa kalusugan.
Iginiit ni Speaker Dy na zero tolerance ang Kongreso sa korapsyon at titiyakin nitong mapapakinabangan ng taumbayan ang pondo ng bayan.










