-- Advertisements --

Kinumpirma ng US Navy na nasagip nila ang tatlong mangingisdang Pilipino na apat na araw ng nagpalutang-lutang sa may disputed waters nitong Baong Taon, Enero 1.

Sa isang statement, sinabi ng US Navy na binaha ang makina ng bangkang pangisda ng mga Pilipino noong Disyembre 28 dahil sa masamang lagay ng panahon sa dagat.

Namataan umano ng crew ng US cargo ship na USNS Cesar Chavez, na nagsasagawa noon ng routine logistics at resupply mission, ang distressed filipino fishing vessel pasado alas-12:00 ng tanghali noong Bagong Taon. Agad namang ipinadala ang kanilang rescue boat para sagipin ang mga mangingisdang Pilipino.

Ayon sa US 7th Fleet Public Affairs, lahat ng tatlong mangingisdang Pilipino ay natagpuang nasa mabuting kalagayan matapos silang suriin pagkasampa sa American vessel. Naka-survive ang mga Pinoy sa kanilang rasyong pagkain at tubig bago tuluyang matunton ng US Navy.

Agad namang ipinaalam ng US sa mga awtoridad ng Pilipinas ang insidente at nakipag-ugnayan sa gobyerno ng Pilipinas para iturn-over ang mga mangingisdang Pilipino.

Hindi naman idinetalye kung saang parte ng pinagtatalunang karagatan natagpuan ng mga mangingisdang Pilipino.