Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa mabuting kalagayan at nakabalik na sa kanilang pamilya ang lahat ng tatlong mangingisdang Pilipino na nasagip ng US Navy sa tinatayang 50 nautical miles kanluran ng Bolinao, Pangasinan noong Enero 1, 2026.
Sa isang statement, iniulat ng PCG katuwang ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng Infanta na binigyan ng medical assistance ang mga Pilipinong mangingisda.
Natukoy ang mga nasagip na mangingisda na sina Michael Lebios, Michael John Lebios at Lorjun Lupague na lahat ay residente ng Sitio Pocdol, Barangay Cato sa Infanta, Pangasinan.
Ayon sa PCG, ang naturang koordinasyon ng US Navy at PCG ay alinsunod sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan binigyang diin niya ang mahalagang papel ng malakas na partnership at shared commitments sa international counterparts sa pagsiguro ng kaligtasan sa dagat at pagtugon sa mga insidente sa karagatan.
Iniulat ng PCG, base sa US Navy, na namataan ang 3 mangingisdang Pilipino na nakahawak sa lumubog nilang motorbanca na nakatali sa isang payao at agad silang tinulungan.
Lumalabas sa imbestigasyon na pabalik na sana noon ang mga ito mula sa kanilang pangingisda sa lugar nang magkaaberya ang makina ng kanilang motorbana at tinamaan ng malalakas na alon dahilan ng paglubog ng kanilang motorbanca.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang PCG sa US Navy sa napapanahong humanitarian assistance at binigyang diin ang pangako para sa pagbabantay sa kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa dagat.
















