-- Advertisements --

Ipagpapatuloy ang pagdedeploy ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Scarborough Shoal para protektahan ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar sa kabila ng mga agresyon ng China.

Ito ang tiniyak ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa isinagawang 2nd Quarter National Maritime Council Press Conference sa Maynila nitong Lunes, Agosto 18.

Ayon kay Comm. Tarriela, malayang makakapangisda pa rin ang mga Filipino fisherfolks sa shoal.

Para matiyak aniya ang interes ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar, idedeploy ang kanilang mga barko.

Sinusuportahan din ng PCG at BFAR ang Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda Program, na naglalayong mas mahikayat pa ang mas maraming mga Pilipino na mangisda sa West Philippine Sea.

Ginawa ng PCG official ang pagtitiyak kasunod ng mapanganib na aksiyon ng mga barko ng China na nagbanggaan habang hinahabol ang BRP Suluan ng PCG na maghahatid noon ng mga suplay bilang bahagi ng Kadiwa program para sa mga mangingisdang Pilipino na nasa Scarborough Shoal.