Kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nag-operate sa pinakamalapit na distansiya sa Pag-asa Island ang mga barko ng China na nangharass sa humanitarian mission ng Pilipinas para sa mga Pilipinong mangingisda na nasa lugar noong Linggo, Oktubre 12.
Sa isang briefing, sinabi ni Comm. Tarriela na ito ang unang pagkakataon na nakita nilang lumapit ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa distansiyang 1.6 hanggang 1.8 nautical miles ang mga barko ng China mula sa shore ng Pag-asa Island nang i-harass ng mga ito ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Naniniwala rin ang PCG official na maaaring ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na naging agresibo ang China Coast Guard sa Pag-asa Island. Aniya, dati nakapokus ang Chinese vessels sa Pag-asa Cays subalit ito aniya ang unang pagkakataon na nagsagawa sila ng bullying activities laban sa BFAR vessels malapit sa naturang isla.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Comm. Tarriela na kanilang seryosong tinutugunan ang mga iligal na aksiyon na ito ng Chinese vessels.
Kabilang sa fleet ng China na idineploy malapit sa Pag-asa Island ang mahigit 15 Chinese maritime militia vessels, 5 China Coast Guard vessels, isang People’s Liberation Army Navy (PLA-N) ship at isang helicopter. Habang idineploy naman ng panig ng BFAR ang anim nitong barko kabilang ang BRP Datu Pagbuaya, BRP Datu Bankaw at BRP Datu Daya.
Matatandaan, noong Linggo, muling nakaranas ng harassment ang mga barko ng BFAR mula sa Chinese vessels malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea, kung saan tatlong barko ng BFAR ang binomba ng water cannon ng China Coast Guard.
Samantala, ayon kay Comm. Tarriela, iniulat na ng PCG ang naturang insidente sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS). Bagamat, hindi bahagi ng hurisdiksiyon o mandato ng PCG ang pagpaplano sa seguridad para sa isla, naniniwala si Tarriela na pag-aaralan ng NTF-WPS at National Maritime Council (NMC) ang naturang panibagong insidente sa disputed waters saka magbibigay ng kaukulang rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa gagawing aksiyon.