-- Advertisements --

Maghahain ng panibagong diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China matapos ang sadyang pagbangga ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Pagbuaya sa loob ng territorial waters nito sa Pag-asa Island nitong umaga ng Linggo, Oktubre 12.

Kinumpirma ni DFA spokesperson Angelica Escalona na magpapadala ng protesta ang gobyerno ng Pilipinas laban sa China dahil sa pinakabagong agresibong aksyon nito na nagdulot ng bahagyang pinsala sa BRP Datu Pagbuaya.

Una ng iniulat ng Philippine Coast Guard, binombahan muna ng Chinese vessel ng water cannon bago nito binangga ang BRP Datu Pagbuaya.

Mariing kinondena naman ng gobyerno at ng National Maritime Council ang insidente, na tinawag nilang iligal at mapanganib na aksyon laban sa soberanya ng ating bansa.

Ito na ang pinakabagong insidente ng agresyon ng China matapos ang water cannon attack sa Bajo de Masinloc noong Setyembre 16 na ikinasugat ng isang Pilipino.

Batay sa DFA, umabot na sa 241 ang inihaing diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China mula Hulyo 2022 sa ilalim ng administrasyong Marcos.