-- Advertisements --

Binombahan ng barko ng China Coast Guard (CCG) ng water cannon at ginitgitan ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa may Pag-asa cay 2 o Sandy Cay sa West Philippine Sea kahapon, araw ng Miyerkules, Mayo 21.

Sa isang statement, kinumpirma ng BFAR na nagsasagawa ang dalawang barko nito na BRP Datu Sanday at BRP Datu Pagbuaya ng routine mission kasama ang isang scientific team para mangolekta ng sand samples sa lugar bilang parte ng maritime scientific research initiative nang mangyari ang panibagong panghaharass ng Chinese vessel.

Ayon sa ahensiya, dalawang beses na binombahan ng water cannon at ginitgitan ng CCG vessel 21559 ang BRP Datu Sanday na nagresulta ng ilang pinsala sa port bow at smokestack ng barko ng Pilipinas kung saan nalagay sa panganib ang buhay ng mga sakay na sibilyan.

Saad ng BFAR na ito ang unang pagkakataon na gumamit ng water cannon ang Chinese vessel laban sa research vessel ng BFAR sa may Pag-asa cays.

Sa kabila ng agresibo, mapanganib at iligal na aksiyon ng barko ng China, nagawa namang makumpleto ng scientific team ng Pilipinas ang kanilang misyon sa Pag-asa Cays 1,2 at 3.