NEGROS ORIENTAL – Patay ang walong empleyado ng Local Government Unit ng Bayawan City, Negros Oriental at isang On-the-Job Training (OJT) na engineering student matapos mahulog sa bangin ang isang mini dump truck bandang alas-11:10 ng umaga sa Brgy. Kalamtukan, Bayawan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Negros Oriental Police Provincial Office Spokesperson Police Captain Stephen Polinar, kinilala ang mga nasawi kabilang ang driver na si Egmedio Arnaiz, at ang mga sakay na sina Diomedes Canoy, Kervin Andog, Larry Llamos, Ronel Cabasag, Jonathan Hamor, Jovanie Babor, Jonaryl Caguisa, at Castro Estemada.
Nilinaw ni Polinar na ang mga biktima ay hindi empleyado ng Department of Agriculture kundi mga tauhan ng City Government at isang OJT student.
Ayon sa ulat, ang truck ay naghatid ng limang container ng crude oil para sa mga tractor truck sa Brgy. Manduao, Bayawan City, at pabalik na nang mangyari ang insidente.
Dagdag ni Polinar, hindi pa natutukoy ang eksaktong dahilan ng aksidente, ngunit paunang impormasyon ay nagsasabing nag-overshoot ang truck habang nasa pababang bahagi ng kalsada.
Dinala pa sa Calumbuyan Hospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival.











