-- Advertisements --

Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi na uubrang isagawa ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa buwan ng Mayo ngayong taon dahil sa kakulangan sa oras at mga teknikal na restriksyon.

Sa pagdinig ng Senado, inihayag ni Comelec Chairman George Garcia na sa halip na Mayo, bukas ang poll body na ituloy ang halalan sa Setyembre 2026.

Paliwanag ni Garcia, kailangan ng komisyon ng sapat na panahon para makapaghanda, lalo na at may mga naging amendments sa ilang probisyon ng election code na nagdulot ng mga restrictions sa orihinal na target na petsa.

Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na nananatiling top priority ng komisyon ang BARMM elections at kaya itong isagawa bago matapos ang taon.

Samantala, iginiit naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na dapat nang matuloy ang halalan at huwag nang ipagpaliban pa.

Binigyang-diin ng senador na hindi na katanggap-tanggap ang paulit-ulit na delay matapos ang apat na beses na postponement, at nagbabalang maaari itong magresulta sa kaguluhan at frustration sa rehiyon.

Sinusugan naman ito ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na nanindigang ang susi sa tunay na kapayapaan ay ang boses ng taumbayan sa pamamagitan ng balota.

Nangako rin ang senador ng suporta sa mga panukalang magsisiguro ng lasting peace sa Bangsamoro region.