-- Advertisements --

Pinuna ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang paggit ng opisyal ng Chinese Embassy na nakabase sa Maynila sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) bilang panangga sa pagsasagawa ng “innocent passage” sa pinagtatalunang karagatan habang binabalewala ang mahahalagang probisyon nito.

Ginawa ng PCG official ang pahayag bilang tugon kasunod ng direktang pag-call out at pag-tag sa kaniya ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei online na suriin muna ang katotohanan bago mag-akusa matapos ang insidente kung saan namataan ang Chinese Research Vessel (CRV) Tan Suo Er Hao sa may baybayin malapit sa Cagayan sa Hilagang Luzon.

Sa isang statement, iginiit ng Chinese official na ang Luzon Strait ay isang highway kung saan ang Bashi. Balintang at Babuyan ay parte nito at pinapayagan aniya ang international passage sa ilalim ng UNCLOS.

Binatikos din ng Chinese official ang pag-akusa ng umano’y “trespassing” sa kanilang Chinese research vessel. Subalit, nilinaw ni Comm. Tarriela na hindi niya sinabing nanghimasok o nagsagawa ng tresspassing ang kanilang Chinese research vessel.

Aniya, malinaw na nakasaad sa kanilang inilabas na press release at posts, nagpadala ang PCG ng aircraft para magsagawa ng maritime domain awareness flight para i-challenge ang presensiya ng naturang Chinese research vessel, beripikahin kung nagsasagawa ito ng marine scientific research nang walang pahintulot at para igiit ang sovereign rights ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone nito, na alinsunod aniya sa UNCLOS at domestic laws.

Sinabihan din ni Tarriela ang Chinese official na huwag magkunwaring hindi sila guilty sa pagsasagawa ng marine scientific research sa EEZ ng ibang mga bansa.

Sinagot din ni Tarriela ang paulit-ulit na paggiit sa umano’y koordinasyon ng China sa panig ng Pilipinas noong Disyembre 24 kaugnay sa pagtulong sa mangingisdang Pilipino. Giit ni Tarriela kung totoong ikinoordina ng panig ng China ang insidente, dapat aniyang naipaalam ito sa PCG National Headquarters ng maaga bilang kanilang search and rescue center. Subalit natanggap aniya ang tawag noong nakadeploy na ang PCG vessel at nasa bisinidad na.

Sa huli, umaasa si Tarriela na ipagpatuloy ng panig ng China ang ganitong bukas na pagtalakay sa mga usapin kabilang na ang pagtugon sa mga insidenteng may kinalaman sa barbaric, illegal, coercive, aggressive at deceptive behavior ng maritime forces ng People’s Republic of China.