-- Advertisements --

Dumipensa ang China sa pagbomba ng water cannon ng kanilang Coast Guard laban sa barko ng Pilipinas sa Scarborough Shoal kahapon, Setyembre 16 na ikinapinsala ng ating barko at isang crew.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Lin Jian, “indisputable” umano ang isinagawang mga hakbang ng kanilang Coast Guard para protektahan ang kanilang territorial sovereignty, maritime rights at interest.

Inakusahan naman ng tagapagsalita ng China Coast Guard (CCG) ang mahigit 10 barko ng Pilipinas ng iligal na pagpasok umano sa territorial waters ng Scarborough Shoal mula sa iba’t ibang direksiyon.

Partikular na tinukoy ng Chinese official sa isang statement ang Philippine Coast Guard (PCG) 3014 na binalewala umano ang “solemn warnings” mula sa panig ng China at inakusahan ito ng sadyang pagbangga sa barko ng CCG.

Hinimok din ng Chinese Foreign Ministry official ang panig ng PH na agad itigil ang naturang mga paglabag at probokasyon at huwag subukin ang matibay na paninindigan ng China para protektahan ang lehitimong karapatan at interest nito.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkondena ang kaalyado ng Pilipinas na Amerika sa panibagong water cannon attack ng Chinese vessels sa barko ng Pilipinas.

Sa isang post sa X, kinondena ni US Ambassador to the US MaryKay Carlson ang agresibong aksiyon ng China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas malapit sa Scarborough Shoal. Pinuri naman ng US ang gobyerno ng Pilipinas at Coast Guard nito sa propesyunal na pagpapairal ng mga karapatan nito sa soberaniya, pagprotekta sa mga mangingisdang Pilipino at paninindigan sa maritime law para sa malaya at bukas na Indo Pacific Region.

Sa kabila naman ng panghaharass ng Chinese vessels sa mga barko ng Pilipinas, sinabi ni PCG spokesperson for WPS Comm. Jay Tarriela sa kaniyang post sa X, na nagawang makapag-mainiobra ng BRP Datu Gumbay Piang palayo sa CCG vessels at muling sumama sa iba pang barko ng BFAR at ipinagpatuloy ang misyon nito para sa pagbibigay ng mga suplay at krudo sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.