Naghain ng panibagong diplomatic protest ang Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China.
Kinumpirma ito ni DFA spokesperson Angelica Escalona.
Ang naturang hakbang sa panig ng Pilipinas ay kasunod ng water cannon attack ng China Coast Guard vessels sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Gumbay Piang habang nagsasagawa ng Kadiwa initiative sa may Bajo de Masinloc noong Setyembre 16 na nagresulta sa pagkapinsala ng ating barko at ikinasugat ng isang Pilipinong crew.
Ilang mga bansa naman ang nagpahayag ng pakikiisa sa Pilipinas at pagkabahala sa panibagong panghaharass ng Chinese vessels sa lugar.
Kabilang na rito ang ambassadors mula sa kaalyado ng ating bansa na Amerika, Japan, European Union, New Zealand, Canada, Australia, Denmark, Germany, the Netherlands at United Kingdom.
Kinalampag din ng mga ito ang lahat ng sangkot na partido na pairalin ang international law kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at pagrespeto sa kalayaan sa paglalayag, pagkakaroon ng dayalogo at pagtitimpi, na mahalaga upang maiwasan ang paglala ng tensiyon.
















