Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magsasampa ito ng diplomatic protest laban sa China matapos ang panibagong panghaharas ng China Coast Guard (CCG) sa mga barkong Pilipino sa karagatang sakop ng Pag-asa Island.
Ayon sa DFA, ihahain ang protesta kasunod ng ulat na ilang China Coast Guard at Chinese Maritime Militia vessels na nagsagawa ng mapanganib at mapang-udyok na maniobra laban sa tatlong barko ng Pilipinas nitong Linggo ng umaga.
Batay sa ulat ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela, ginamitan ng CCG vessel 21559 ng water cannon ang BRP Datu Pagbuaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at sinadyang banggain ito.
Bahagyang nasira ang barko ngunit walang nasaktan sa mga sakay nito.
Ayon sa PCG, ang mga barko ng Pilipinas ay nakadaong sa teritoryal na karagatan ng Pag-asa Island upang magbigay-proteksyon sa mga mangingisdang Pilipino sa ilalim ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM)”.