-- Advertisements --

Maghahain ng diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas laban sa plano ng China na patatayo ng ‘Huangyan Island National Nature Reserve’ sa Panatag Shoal.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), iligal ang naturang aksiyon ng China na malinaw na lumalabag sa mga karapatan at interest ng Pilipinas alinsunod sa international law.

Kaugnay nito, muling kinalampag ng Pilipinas ang China na irespeto ang soberaniya at hurisdiksiyon ng bansa sa Panatag Shoal, itigil ang pagpapatupad at agad bawiin ang issuance ng State Council nito kaugnay sa naturang plano.

Gayundin hinimok ng Pilipinas ang China na tumalima sa mga obligasyon nito sa ilalim ng international law partikular na sa 1982 United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), sa 2016 Arbitral Award at 2002 Declaration on the Conduct of Parties sa pinagtatalunang karagatan.

Una na ngang kinumpirma ng Beijing na nakatakda itong mag-anunsiyo ng specific boundaries ar zoning ng naturang reserve.

Kung saan ayon sa State Council ng China, ang pagtatalaga ng nature reserve sa Panatag Shoal, na tinatawag naman ng Beijing bilang Huangyan Island, ay mahalaga umanong garantiya para mapanatili ang “diversity, stability at sustainability” sa lugar.

Subalit sa parte ng Pilipinas, nanindigan ito na ang Panatag Shoal o Bajo de Masinloc ay isang matagal na at mahalagang parte ng ating bansa kung saan mayroon itong soberaniya at hurisdiksiyon.

Tanging ang Pilipinas lamang din ang siyang may awtoridad sa pagtatalaga ng environmental protection areas sa sarili nitong teritoryo at sa iba pang maritime zones.