Nagluksa ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa pagpanaw ng kanilang “puso” at “political father,” si dating House Speaker Jose de Venecia Jr., na namatay nitong Martes, Pebrero 10, sa edad na 89.
Ayon kay Lakas-CMD President Rep. Martin Romualdez, si De Venecia, kilala rin bilang JDV, ay higit pa sa isang lingkod-bayan; siya ay isang statesman na may pambihirang pananaw at kakayahang pagsamahin ang mga tao sa kabila ng ideolohiya, pananampalataya, at hangganan.
Bilang isa sa mga founding fathers ng Lakas (dating Lakas-NUCD), tinulungan niya hindi lamang itatag ang partido kundi isang pambansang kilusan na nakasentro sa pagkakaisa, kapayapaan, at inklusibong pamumuno. Pinuri rin siya sa paggabay sa Kongreso sa mga mahahalagang yugto ng kasaysayan, pati na sa pagtaguyod ng interfaith dialogue sa pandaigdigang entablado.
Sa kanyang pahayag, tinukoy niya si De Venecia bilang “puso ng Lakas-CMD” at tiniyak na ang kanyang pamana ay patuloy na mabubuhay sa bawat lingkod-bayan na nangunguna nang may bisyon, paninindigan, at pagmamahal sa bayan. (report by Bombo Jai)
















