Naghain ang Chinese Embassy sa Maynila ng diplomatic protest laban kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela kaugnay sa umano’y pag-atake at pagdungis sa dignidad ng Chinese leaders.
Ito aniya ay katumbas ng seryosong paglabag sa political dignity ng China at garapal umanong political provocation, na lagpas na sa red line.
Sa isang statement, ipinaabot ng embahda ang pagpapahayag ng China ng galit at pagkondena at naghain umano ng “solemn representations” o diplomatic protest sa Palasyo Malacañang, Department of Foreign Affairs at Philippine Coast Guard.
Kinumpirma ni Chinese Embassy deputy spokesperson Guo Wei ang naturang hakbang.
Sa hiwalay na statement, sinabi ni Comm. Tarriela na hindi lamang isang malinaw na paglabag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations ang naging hakbang ng China kundi isang pagtatangka na ilihis ang pangunahing isyu gaya ng paulit-ulit na agresibo at iligal na aksiyon nito sa West Philippine Sea.
Aniya, ang embahada ng Tsina ay mismong nakikialam sa mga bagay na dapat nilang iwasan sa pamamagitan ng pag-pressure sa gobyerno ng Pilipinas kaugnay sa kaniyang personal at propesyunal na mga pahayag bilang PCG spokesperson sa WPS.
Hindi aniya ito isang lehitimong diplomasiya, kundi isang pananakot at pagpigil sa tunay na paguulat sa mga usapin ng soberaniya ng Pilipinas.
Gayundin, iginiit ni Comm. Tarriela na hindi pagdungis o paninirang-puri ang mga insidente sa WPS kabilang ang mapanganib na maniobra, intensyunal na pagbangga at water cannon attacks ng Chinese vessels laban sa mga barko ng PCG at BFAR, ang iligal na pagharang at panghaharass sa mga mangingisdang Pilipino sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa at ang pagpapadala ng daan-daang Chinese maritime militia vessels at konstruksiyon ng artificial islands na paglabag sa 2016 Arbitral Award, na nagpapawalang bisa sa malawakang pagaangkin ng China.
Nanindigan si Tarriela na ang mga insidenteng ito ay suportado ng mga ebidensiya tulad ng video, mga larawan, office reports ng PCG, at obserbasyon ng third-party kabilang ang satellite imagery at statements mula sa ibang mga bansa.
Giit ni Tarriela na ang kaniyang papel bilang tagapagsalita para sa WPS ay upang bukas na maiparating ang mga reyalidad na ito sa mga mamamayang Pilipino at sa buong mundo.
Sinagot din ni Tarriela ang pagkwestyon ng Chinese Embassy sa hindi pagpapanagot sa kaniyang mga naging pahayag. Giit ni Tarriela na hindi obligasyon ng gobyerno ng Pilipinas na disiplinahin siya para sa tamang paguulat ng mga paglabag na nangyayari sa mga katubigan ng ating bansa.
Sa huli, iginiit ni Tarriela na ipagpapatuloy nila ang pagdokumento, paguulat, at paggiit ng ating soberaniya, karapatan sa soberaniya at hurisdiksiyon sa WPS sa mapayapang paraan, batay sa katotohanan at ng walang takot.
















