Naniwala si PCG spokesperson for the West Philippines Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na nais ng China na maisalba ang imahe nito matapos tanggalin ang video ng collision incident ng kanilang sariling mga barko sa inilabas na report ng China state-controlled media na Global Times.
Sa isang press conference, sinabi ni Comm. Tarriela na hindi maamin ng China na nangyari ang naturang banggaan sa kanila mismong mga barko habang hinahabol ang barko ng PCG na BRP Suluan malapit sa Scarborough Shoal noong Lunes, Agosto 11.
Ito aniya ang dahilan kayat walang lakas ng loob ang China na isisi sa panig ng Pilipinas ang nangyaring banggaan.
Sinabi din ni Comm. Tarriela na magpapahina din ito sa posisyon ng China bilang superior naval power.
Ginawa ni Comm. Tarriela ang naturang pahayag matapos ilabas ng China state-controlled media ang umano’y video na eksklusibo nilang nakuha mula sa isang source.
Sa naturang video, hindi ipinalabas ang buong konteksto kung saan tinanggal ang insidente ng banggaan ng barko ng People’s Liberation Army Navy at China Coast Guard vessel 3104 habang hinahabol ang barko ng Pilipinas.
Iniulat din ng Chinese media na ang BRP Suluan umano ang nagsagawa ng mapanganib na maniobra laban sa mga barko ng China sa kasagsagan ng panghihimasok sa katubigan malapit sa Scarborough Shoal na kanilang tinatawag na Huangyan Dao, bagay na nauna naman ng pinalagan ni Comm. Tarriela sa pagsasabing ang CCG vessel ang nagsagawa ng mapanganib na maniobra laban sa barko ng PCG habang iligal na nagpapatroliya sa may Scarborough Shoal sa WPS.
“#EXCLUSIVE: The China Coast Guard ship 3104 conducted highly dangerous maneuvers on Philippine Coast Guard 4406 during its illegal patrol in Bajo De Masinloc in the West Philippine Sea on August 11. The video presented by Global Times fails to depict the full context, as it deliberately omits the PLA Navy vessel and the collision incident”, saad ni Tarriela sa kaniyang X account noong Agosto 14.