-- Advertisements --

Sinaklolohan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga stranded na pasahero sa Lucena port sa Quezon patungong San Agustin, Romblon ngayong Bisperas ng Pasko, Disyembre 24.

Ayon sa PCG, idineploy nito ang BRP Suluan na unang bumiyahe kaninang alas-6:00 ng umaga sakay ang nasa 75 pasahero mula sa Lucena port patungong San Agustin, Romblon.

Ang isa pang barko ng PCG na BRP Bagacay ay biyaheng San Agustin na may sakay na 89 na pasahero mula rin sa parehong pantalan.

Tiniyak naman ng PCG na tinututukan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga stranded na pasahero upang matiyak na makakauwi sila ng ligtas sa kani-kanilang pamilya para ipagdiwang ang Pasko.

Ang naturang misyon din aniya ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naka-angkla sa iCare program ng PCG kung saan sinisiguro ang paghahatid ng kinakailangang serbisyo sa sambayanang Pilipino.