Inihayag ni Surigao Del Sur 1st District Rep. Romeo Momo, Sr. na handa umano siyang magbitiw o mag-resign sa BICAM o Bicameral Conference 2026 national budget.
Ito aniya ay kung makakaapekto ang kanyang presensya sa magiging resulta at integridad ng isasagawang BICAM ngayong araw, ika-13 ng Disyembre.
“Well yes nga, yes in fact I am discussing this with the leadership right this morning. At sabi ko sa kanila if my presence in the BICAM will tend ano… makwestyon ang integrity ng result ng BICAM then I will surely resign from BICAM,” ani Cong. Romeo Momo, Sr.
Ang kanyang pahayag ay kasunod sa kanyang kinakaharap na patung-patong na mga reklamo isinampa sa Ombudsman.
Kahapon, ika-12 ng Disyembre, naghain ng graft, plunder at ethics complaints ang abogadong si Atty. Mary Helen Polinar Zafra kasama pati ilang pari sa Office of the Ombudsman.
Kaugnay at nag-ugat anila ang reklamo sa sinasabing aabot sa halagang P1.4 billion mga proyektong iginawad ng gobyerno sa kumpanyang may koneksyon umano ang kanyang pamilya.
Ito naman ay pinabulaanan lamang ng kongresista at iginiit na walang ‘conflict of interest’ ito sa kanya bilang pampublikong opisyal.
Subalit sa kabila nito, handa raw ang naturang opisyal magbitiw sa BICAM kung ito man ay makakaapekto sa kalalabasan at integridad ng resulta.















