-- Advertisements --

Nilinaw ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang barko ng PCG ang nagsagawa ng shadowing at nag-challenge sa presensiya ng barko ng China na namataan sa kanlurang bahagi ng probinsiya ng Zambales, at hindi aniya malapit sa Manila Bay.

Ginawa ng opisyal ang paglilinaw matapos iulat ni US maritime expert Ray Powell na namataan ang China Coast Guard vessel 3306 nitong Biyernes, Agosto 15 malapit umano sa Manila bay, na tila nag-aantay umano sa labas ng bay at determinadong harangin at eskortan ang anumang barko ng Pilipinas na maglalayag patungo sa direksiyon ng Scarborough Shoal.

Subalit sa isang press conference, nilinaw ni Comm. Tarriela na ang BRP Cape San Agustin ang nag-isyu ng radio challenge sa CCG 3306 umaga ng Biyernes matapos mamataan sa distansiyang 107.51 kilometers (km) o 58 nautical miles mula sa Capones Island sa Zambales at 138.9 km o 75 nautical miles mula sa Panatag Shoal.

Aniya, nasa 4 nautical miles ang distansiya ng PCG vessel mula sa barko ng CCG. Patungo aniya noon ang BRP Cape San Agustin sa Panatag Shoal habang hindi naman batid ang pakay ng CCG vessel sa lugar. Nilinaw din ng opisyal na hindi pumasok ang CCG vessel sa Manila Bay at ang pinakamalapit na distansiya nito ay nasa 55.56 km (30 nautical miles) mula sa Zambales.

Nagbabala din si Tarriela sa paggamit ng lokasyon na malapit sa Manila Bay bilang reference dahil maaari aniya itong maging misleading.

Sa halip mas mainam na gamiting sukatan ang distansiya mula sa Bataan, Cavite o Mindoro bilang landmark para sukatin ang lokasyon.

Ang namataang presensiya naman ng naturang barko ng CCG ay apat na araw matapos ang banggaan ng dalawa pang Chinese vessels malapit sa Panatag Shoal noong Agosto 11 na tinangkang pigilan noon ang barko ng PCG na BRP Suluan na makalapit sa naturang shoal.