Nagbabala ang National Security Council ng Pilipinas na maaaring pretext o pagkukunwari lamang ang plano ng China na pagtatalaga ng Huangyan Island National Nature Reserve para okupahin kalaunan ang Panatag Shoal.
Sa isang statement, nagpahayag ng pagtutol si National Security Adviser Eduardo Año sa naturang deklarasyon ng China at iginiit na ito ay iligal at lumalabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Award at 2022 Declaration on the Conduct of Parties.
Aniya, ang naturang hakbang ng China ay hindi patungkol sa pagprotekta sa kapaligiran kundi sa paggiit ng kanilang kontrol sa maritime feature na parte ng teritoryo ng Pilipinas at mga katubigan nito na saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng ating bansa.
Ang tunay aniyang pagprotekta sa Panatag Shoal o Bajo de Masinloc ay nangangailangan ng kooperasyon, transparency at pagrespeto sa international law at hindi ng unilateral declarations na naglilimita sa access ng mga Pilipinong mangingisda sa pagkukubli ng umano’y konserbasyon sa lugar.
Malinaw aniya na simula 2016, ipinapakita ng mga ebidensiya ang malawakang pag-ani ng endangered species at pagsira ng mga mangingisdang Chinese sa bahura, mga aktibidad na binanggit mismo ng Arbitral Tribunal. Ang claim din aniya ng China na pangangalaga nila sa ecosystem na sila mismo ang sumisira ay magkasalungat at misleading.
Nagpahayag din ang NSC ng buong suporta sa paghahain ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa naturang iligal na aksiyon ng China.