-- Advertisements --

Naitaboy ng BRP Cape San Agustin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China Coast Guard (CCG) 3303 palayo sa may baybayin ng Zambales nitong umaga ng Sabado, Disyembre 6.

Sa isang statement sa kaniyang X account, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na sa kabila ng hindi magandang kondisyon sa dagat na may mga along umaabot sa dalawa hanggang tatlong metro ang taas, nagawang makamaniobra ng barko ng PCG at matagumpay na naitaboy palayo ang barko ng China sa distansiyang 35 nautical miles mula sa coastline ng Zambales.

Inisyuhan din ng crew member ng BRP Cape San Agustin ang CCG vessel.

Na-monitor din ng PCG vessel ang dalawang iba pang barko ng China Coast Guard na may bow number, 3305 at 3502.

Ayon kay Comm. Tarriela, minanmanan ang galaw ng dalawang barko habang umaaligid ang mga ito at nagsasagawa ng iligal na pagpapatroliya sa may bisinidad ng Bajo de Masinloc.

Muli namang tiniyak ng PCG na hindi ito natitinag sa paggiit ng soberaniya ng Pilipinas, gayundin ang paggiit sa sovereign rights at hurisdiksiyon ng ating bansa sa West Philippine Sea alinsunod sa UNCLOS, Philippine Maritime Zones Act at 2016 Arbitral Award na nagpapawalang bisa sa malawakang paga-angkin ng China sa pinagtatalunang karagatan.