-- Advertisements --

Narescue ng mga tauhan ng U.S. Navy ang tatlong Pilipinong mangingisda na na-stranded sa bahagi ng West Philippine Sea kahapon, January 1,2026 bandang alas-12:45 ng tanghali.

Batay sa ulat ng US Embassy dito sa Pilipinas, namataan ng crew ng USNS Cesar Chavez (T-AKE 14) ang bangkang pangisda na nasa panganib habang sila ay naglalayag sa lugar.

Agad na nagpadala ng rescue boat ang barko at nailigtas ang tatlong mangingisda. Sila ay sinuri ng medical staff ng barko at nalamang nasa mabuting kalagayan.

Ayon sa mga mangingisda, binaha ang makina ng kanilang bangka noong Disyembre 28 dahil sa malalakas na alon, dahilan upang sila ay maanod.

Umalis sila sa pantalan noong Disyembre 27,2025.

Agad na ipinaalam sa mga awtoridad ng Pilipinas ang insidente.

Nakipag-ugnayan ang Estados Unidos sa pamahalaan ng Pilipinas upang ligtas na maibalik ang mga mangingisda sa bansa.

Ang mabilis at maingat na pagtugon ng crew ng Cesar Chavez ang nagbigay-daan sa matagumpay na pagsagip.

Ang barko ng Amerika ay regular na nagsasagawa ng logistics at resupply missions bilang suporta sa U.S. 7th Fleet.