PBBM kinilala kahalagahan ng mga misyon ng PCG sa West Phil. Sea
Binigyang diin ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng mga misyon ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
Sa panunumpa ng mga bagong promote na opisyal ng PCG, sinabi ng Pangulo na ang patuloy na pagpa-patrolya ng coast guard sa Kalayaan Island Group, sa Philippine Rise, at sa iba pang maritime zones ay deklarasyon ng hindi natitinag na commitment ng Pilipinas sa karapatan sa soberenya.
Ayon kay Pang. Marcos, hindi simpleng pangangalaga sa teritoryo ang ginagawa ng PCG kundi pagtatakda sa buong mundo ng teritoryo ng Pilipinas.
Hinangaan rin ni Pang. Marcos ang paggamit ng coast guard sa kapangyarihan ng kooperasyon, mabuting pakikisama at diplomasya sa pagbabantay ng teritoryo.
Ang tinutukoy nito ay ang nabuong partnerships sa Estados Unidos, Napan at iba pang karatig-bansa sa ASEAN sa pamamagitan ng joint patrols at port visits.
Mahalaga anya ang ganitong mga hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan, pagtiyak ng freedom of navigation, at pagbibigay proteksyon sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.