Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na bagama’t iniiwasan ng Department of Finance (DOF) ang mga hakbang na maaaring magpahina sa kita ng gobyerno, posible pa rin daw ang panukalang pagbaba ng value-added tax (VAT) rate kung sasabayan ito ng pag-alis ng mga VAT exemptions.
Ang VAT ay isang 12% buwis na ipinapataw sa bawat benta, upa, barter, at pag-aangkat ng mga produkto at serbisyo. Tinatayang bumubuo ito ng halos 1/5 na bahagi ng kabuuang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Nauna nang nagmungkahi ang ilang mambabatas sa Kamara at Senado na ibaba ang VAT rate sa 10%, isang hakbang na maaaring magpahirap sa isinasagawang fiscal consolidation ng pamahalaan.
Kabilang dito ang Senate Bill No. 1552 ni Sen. Erwin Tulfo, na layong ibalik ang VAT rate sa orihinal na 10%, kahalintulad ng panukalang inihain ni Batangas Rep. Leandro Antonio Leviste noong nakaraang taon.
Suportado ng International Monetary Fund (IMF) ang pagtanggal ng VAT exemptions at zero-rating sa Pilipinas upang mapataas ang kita ng gobyerno, kabilang ang VAT exemption para sa mga senior citizen na nakapaloob sa Expanded Senior Citizens Act.
Binigyang-diin din ni Go na sa mga target na mino-monitor ng pamahalaan, ang pinakamahalaga para sa kanya ay ang fiscal deficit target.
Layunin ng gobyerno na pababain ang budget deficit sa P1.65 trillion o 5.3% ng gross domestic product (GDP) pagsapit ng 2026, at higit pang ibaba sa P1.55 trillion o 4.3% ng GDP sa 2028.
Ayon sa Bureau of the Treasury, umabot sa P4.15 trillion ang revenue collections ng gobyerno sa unang 11 buwan ng taon, mas mataas kumpara sa P4.1 trillion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
















