-- Advertisements --

Ipinahayag ni Finance Secretary Frederick Go ang kanyang buong suporta sa Bureau of Internal Revenue (BIR) hinggil sa kanilang pagsisikap na pabilisin ang proseso ng pagkuha ng tax exemption para sa mga proyekto ng socialized at economic housing.

Ang nasabing hakbang ay naglalayong mapabilis at mapagaan ang pagtatayo ng mga abot-kayang pabahay na siyang pangunahing kailangan ng mga pamilyang Pilipino na may mababang kita.

Bukod pa rito, inaasahan din na ang pagpapabilis ng proseso ay maghihikayat sa mas maraming mamumuhunan na sumali sa mga proyekto ng pabahay.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pahusayin ang burukrasya at gawing mas episyente ang mga serbisyo ng gobyerno.

Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular (JMC) ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), nakasaad na titiyakin ng BIR ang mas mabilis at maayos na pagproseso ng mga usaping piskal at buwis na may kaugnayan sa mga proyekto ng housing development.

Kabilang sa mga hakbang na gagawin ay ang paglulunsad ng One-Stop Shop Processing Center (eHOPC) kung saan awtomatikong mabubuo ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa pagproseso ng tax exemption.

Sa pamamagitan ng One-Stop Shop Processing Center , inaasahan na mas mapapabilis ang proseso at mababawasan ang oras at pagod na kinakailangan para sa pagkuha ng tax exemption para sa mga proyekto ng pabahay.

Ang buong suporta ng Department of Finance ay nagpapakita ng pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matugunan ang problema sa pabahay sa bansa.