Ipinahayag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang kanilang buong suporta sa inisyatiba ng Department of Finance (DOF) at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng masusing pagrepaso sa mga umiiral na polisiya na may kaugnayan sa pag-isyu ng Letters of Authority (LOA).
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagpapalabas ng Revenue Memorandum Circular (RMC) 107-2025, na naglalayong linawin at pagbutihin ang mga proseso ng pag-audit ng BIR.
Pinuri ng PCCI ang “decisive action” o ang mabilis at konkretong aksyon na ginawa ni Finance Secretary Frederick Go.
Kinilala rin nila ang maagap na pagpapatupad ng bagong BIR Commissioner na si Charlito Martin R. Mendoza sa suspensiyon ng lahat ng field audit at iba pang kaugnay na operasyon ng ahensya sa buong bansa.
Ayon sa PCCI, ang nasabing suspensiyon ay nagbibigay ng agarang ginhawa at kapanatagan sa mga negosyo, lalo na sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
Partikular namang binigyang-diin ng PCCI ang pagbuo ng isang technical working group (TWG) na may pangunahing responsibilidad na magsagawa ng malalimang pagrerepaso at pag-a-update ng mga kasalukuyang polisiya ng BIR hinggil sa pag-iisyu at pagpapatupad ng LOA.
















