Hinamon ng Department of Finance (DOF) ang mga lider ng negosyo at international chambers na huwag limitahan sa diskusyon ang pagpapalakas sa teknolohiya ng bansa.
Sa halip, iginiit ng ahensya na dapat nang pangunahan ng pribadong sektor ang aktuwal na pagpapatupad at adoption ng mga estratehiya para sa mabilis na lumalagong digital and AI economy.
Ito ang sentro ng mensahe ni Finance Secretary Frederick Go, na ipinarating ni Undersecretary Miko Alejandro sa naganap na Sector Roundtable: Powering the Philippines’ Competitiveness in Hyperscale and Digital Infrastructure Program.
Ayon sa kalihim, bagama’t mahalaga ang dayalogo, kailangan nang makita ang konkretong resulta upang tuluyang matanggal ang mga hadlang sa pag-unlad ng digital infrastructure sa Pilipinas.
Kinilala naman ng opisyal ang krusyal na papel ng mga katuwang sa industriya tulad ng Meralco at iba pang mga kilalang bangko.
Layunin ng mas pinaigting na kolaborasyon na ito na makabuo ng isang sustainable energy ecosystem na magsisilbing pundasyon upang kilalanin ang Pilipinas bilang susunod na regional powerhouse sa larangan ng data at teknolohiya.
















