-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Finance (DOF) na ang pagbaba ng inflation rate sa 1.5 percent noong Nobyembre ay isang patunay ng tagumpay ng Marcos administration sa pagpapatupad ng mga hakbang para kontrolin ang presyo ng pagkain.

Ayon sa DOF, ang inflation rate ay nasa ibaba ng target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2 hanggang 4 percent dahil sa mga “targeted government measures” na nagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ani Finance Secretary Frederick Go na nagpapakita ito na gumagana ang kanilang mga interbensyon at ipagpapatuloy nila ang mga polisiya upang mapanatili ang affordability ng pagkain at iba pang mga produkto para sa mga pamilyang Pilipino.

Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang pagbaba ng inflation mula 1.7 percent noong Oktubre ay dulot ng pagbaba ng presyo ng food at non-alcoholic beverages na bumaba ng 0.3 percent.

Nabatid din na ang mga low-income households ay nakaranas ng mas malaking ginhawa, dahil ang inflation sa bottom 30 percent ay bumaba pa sa –0.2 percent, ang ika-anim na sunod na buwan ng pagbaba.

Ibinida pa ng DOF na ang pagbaba ng presyo ng bigas, na ngayon ay nasa P44.19 per kilo, kumpara sa P52.59 noong nakaraang taon.

Samantala nagtakda naman ang Department of Agriculture (DA) ng suggested retail prices para sa pork, sibuyas, at imported rice upang matiyak na mananatiling abot-kaya ang mga bilihin. Pinirmahan din ni President Marcos ang Executive Order No. 105, na magpapalawig ng 15 percent tariff sa imported rice hanggang sa katapusan ng taon upang matulungan ang pag-stabilize ng mga presyo.

Simula sa susunod na taon, ipatutupad na ng EO 105 ang automatic tariff adjustments batay sa presyo ng bigas sa international market, at ito ay susubaybayan ng Inter-Agency Group on Rice Tariff Adjustment na kasama ang DOF.