-- Advertisements --

Binigyan ng palugit ang nagbitiw na si dating Ako Bicol Party List Rep. Elizaldy Co hanggang sa Enero 15 para magsumite ng counter-affidavit sa kasong plunder na inihain laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ).

Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, walang dumalong abogado ni Co sa preliminary investigation nitong Lunes kaya binigyan siya ng palugit upang sagutin ang reklamo.

Ito ang unang kasong plunder na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Co sa DOJ, bagama’t may isa pa siyang kasong kasalukuyang iniimbestigahan.

Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, ang plunder ay pagkamal ng hindi bababa sa P75 milyong ill-gotten wealth sa pamamagitan ng serye ng ilegal na gawain.

Nauna na ring inilabas ang warrant of arrest laban kay Co at 17 iba pa sa kasong malversation na nagkakahalaga ng P289.5 milyon kaugnay ng flood control project sa Mindoro.