-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang naitalang kaso ng novel coronavirus sa bansa.

Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang tatlong Chinese national na isinailalim sa quarantine sa Aklan Provincial Hospital ay hindi nakitaan ng sintomas ng naturang virus.

Wala rin aniyang travel history ang mga ito papuntang Wuhan, China.

Napag-alaman na pinigil ang isang 65-anyos na Chinese na papunta sanang Boracay para ma-quarantine matapos makitaan ng sintomas ng lagnat.

Kasunod nito, noong Enero 18, dalawa pang ibang Chinese national na may edad 18 at tatlo na nakitaan ng parehong sintomas ng sakit ang pinigil. Pawang ini-refer ang mga ito sa outpatient department matapos magamot.

Dagdag pa ng kalihim na kasakuluyang sinusuri ang specimen na kinuha mula sa tatlong turista sa Research Institute for Tropical Medicines upang malaman ang sanhi ng kanilang lagnat.

Binigyang-diin pa ni Duque na walang travel restriction na ibinaba ang World Health Organization papunta sa China.

Samantala, hiniling ng kalihim ang tulong ng Bombo Radyo kaugnay sa pagpapakalat ng tamang impormasyon upang maiwasan ang pag-panic ng publiko.