Pinaplano ng beteranong bigman na si Jonas Valančiūnas ang paglalaro sa EuroLeague sa kabila ng magandang karera sa National Basketball Association (NBA).
Sa pagsisimula ng free agency ay na-trade si Valančiūnas mula sa Sakramento Kings patungong Denver Nuggets, habang mayroon din itong nalalabing $20 million sa kaniyang kasalukuyang kontrata.
Gayunpaman, sinabi ng kampo ng bigman na pinag-aaralan nitong maglaro sa European basketball matapos siyang alukin ng Panathinaikos Athens.
Sa kasalukuyan, nasa Athens ang batikang sentro habang patuloy ang negosasyon para sa kaniyang magiging kontrata kung sakaling matuloy itong maglaro sa Europa at tuluyang iwanan ang NBA.
Unang na-draft si Valančiūnas sa NBA noong 2011 bilang ika-limang overall pick. Pinili siya ng Toronto Raptors ngunit matapos ang ilang season kasama ang koponan ay tuluyan din siyang lumipat sa Memphis Grizzlies, New Orleans Pelicans, at Washington Wizards.
Sa nakalipas na season, hawak ng 33 anyos na si Valančiūnas ang average na 10.4 points, 7.7 rebounds at 2.0 assists per game.
Sa pagpasok niya sa Panathinaikos, inaasahang makakasama niya ang batikang EuroLeague player na si Mathias Lessort. Ang dalawa ay itinuturing na pinakamabigat na sentro sa buong liga, oras na magkasama na silang maglaro.
Sa kasalukuyan ay hawak ng Panathinaikos ang pitong EuroLeague championship at isang International Cup.