-- Advertisements --

Sa opisyal na pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo 28, maghahalal o pipili ang 24 na mga senador ng bagong uupong Senate President. 

Tatlong pangalan ang matunog na magtatagisan sa pagkapangulo ng Senado — na kinabibilangan ni Senador Francis “Chiz” Escudero na kasalukuyang Senate President; Vicente “Tito” Sotto III na dati nang nagsilbing Senate President noong 2018 hanggang 2022;ang reelectionist na si Imee Marcos na itinutulak na tumakbo bilang pangulo ng Senado. 

Kasabay nila, may ilang senador na rin ang nagpahayag ng kanilang susuportahan na uupong Senate President. 

Sa isang panayam kay Senador Alan Peter Cayetano, sinabi nito na kung ngayon ang magiging botohan, tiyak na panalo na si Escudero bilang pangulo ng Senado sa 20th Congress. 

Isiniwalat nitong mayroong suporta si Escudero mula sa mahigit 13 mga senador o majority votes. 

Naniniwala naman si Senador Joel Villanueva na mananatili pa rin si Escudero bilang Senate President sa 20th Congress. 

Aniya, aabot sa 13 ang bilang ng mga senador na boboto kay Escudero sa pagka-Senate President. 

Aminado rin ito, na marami na raw sa mga senador ang nagpahayag ng suporta kay Escudero bilang pangulo ng Senado. 

Wala naman daw pinapaikot na resolusyon para lumagda ang mga senador ng suporta ngunit naguusap-usap silang mga mambabatas. 

Ang magkapatid na Tulfo naman na sina Senador Raffy at Erwin ay susuportahan ang magiging pasya ng mayorya sa pagka-Senate President. 

Sinabi pa ng senador na posibleng kasama siya sa 13 senador na susuporta kay Escudero na unang sinabi ni Villanueva.

Paliwanag ni Tulfo, kaya sa mayorya sila sasama ay dahil madalas ito ang tumutulong sa mga iniuutos o nais na mga ipasang panukala ng administrasyon.

Kung si Ping Lacson ang tatanungin, susuportahan daw nito si Sotto sa pagkapangulo ng Senado sa ika-20 na Kongreso.

Kung pagbabasehan aniya ang track record, maganda ang pamumuno nito sa Mataas na Kapulungan.

Kaugnay nito, sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri, na isa siya sa mga nagsusulong kay Sotto na muling maging pangulo ng Senado. 

Ayon kay Zubiri, si Sotto ang isinusulong ng kanilang bagong usbong na ‘Veteran bloc’ na maging lider ng senado ngayong 20th Congress. 

Kabilang dito si Lacson, at Senadora Loren Legarda na hindi pa opisyal na nakapili kung sinong susuportahan sa pagka-Senate President. 

Kaya naman suportado ni Zubiri si Sotto bilang susunod na pangulo ng senado, bunsod ng kanyang pagkadismaya sa pamumuno ni escudero.

Naniniwala daw kasi sya sa galing nito mamuno sa Senado. 

Bagama’t may ilan ng senador ang nagpahayag kung sinong pangulo ng Senado ang susuportahan sa 20th Congress — ang karamihan ay nananatiling tikom. 

Wala pang desisyon sina Senators Lito Lapid, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Kiko Pangilinan, 

Mark Villar, Camille Villar, Ronald “Bato” dela Rosa, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Christopher “Bong” Go, Robinhood Padilla, Rodante Marcoleta, at Pia Cayetano. 

Si Senadora Marcos ay kinumpirmang nilapitan siya ng ilang mga kasamahan niyang senador upang hikayatin siyang maging kandidato para sa pagka-senate president.

Ayon sa senadora, kung sino man ang mahalal na mamumuno sa Senado, kinakailangan ng mga reporma sa Kongreso na dapat isulong. 

Gayunpaman, sinabi ni Sotto, handa siyang maging lider ng minority bloc sakaling hindi siya palarin na maging Senate President sa 20th Congress. 

Tuloy pa rin naman daw ang kanyang pagtakbo bilang pangulo ng Senado sa 20th Congress pero ang desisyon dito ay nasa kamay o depende sa kagustuhan ng mga kasamahan niyang senador. 

Sa panig ni Escudero,  sinabi niya na iiwan niya ang pasya sa mayorya ng bagong Senado kung siya pa rin ang mamumuno sa Senado o kung pipili sila ng bagong lider.