Ipinagbawal na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpalaot ng lahat ng uri ng sasakyang-dagat sa buong lalawigan ng Eastern Samar simula ngayong umaga, Pebrero 4, dahil sa banta ng Tropical Depression ‘Basyang’.
Naglabas ng direktiba ang Coast Guard Station (CGS) Eastern Samar matapos itaas ng state weather bureau ang Gale Warning No. 1 sa nasabing area of responsibility kaninang alas-5:00 ng umaga.
Sakop ng naturang suspension ang lahat ng vessels at watercrafts upang maiwasan ang anumang insidente sa karagatan habang masama ang panahon.
Ang hakbang ay alinsunod sa HPCG Memorandum Circular No. 02-23 o ang Revised Guidelines on Movement of Vessel During Heavy Weather.
Binigyang-diin ng ahensya na mananatili ang pagbabawal hangga’t hindi ligtas ang lagay ng dagat at walang bagong abiso mula sa weather bureau.
Gayunpaman, nilinaw ng PCG na papayagan pa rin makapaglayag ang mga barkong naghahanap ng masisilungan o shelter.
May kaakibat itong kondisyon na dapat ay walang sakay na pasahero o kargamento ang barko, at kinakailangang magsumite ng written request ang kapitan o may-ari nito bago payagang umalis.
Pinayuhan na ang lahat ng mga operator na maging mapagmatyag at sundin ang mga safety protocols habang patuloy na binabantayan ang pagkilos ng bagyo.















