-- Advertisements --

Igagalang ng  Malacañang ang pananaw at mga hakbang ng Kongreso kaugnay ng panukalang resolusyon na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.

Ito ay kasunod sa mainit na mga pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng China at mga opisyal ng Pilipinas.

Ayon kay Palace Press Officer, Undersecretary Claire Castro, may kanya-kanyang pananaw at mandato ang mga mambabatas pagdating sa isyu, at malaya ang Kongreso na talakayin at isulong ang kanilang mga panukala.

Gayunman, nilinaw ni Castro na nananatiling malinaw ang polisiya ng Pangulo at ng Department of Foreign Affairs (DFA) na itaguyod ang diplomasya at maayos na pag-uusap sa China sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.

Dagdag pa ni Castro, batid ng mga mambabatas na ang kapangyarihang magdeklara  ng persona non grata sa isang dayuhang opisyal ay nasa Pangulo, alinsunod sa umiiral na mga batas.

Iginiit ni Castro na batid ng mga mambabatas na ang kapangyarihang magdeklara ng persona non grata sa isang dayuhang opisyal ay nakasalalay lamang sa Pangulo.

Nilinaw naman ng Malakanyang na ang pagkakaiba ng pananaw sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura ay hindi nangangahulugan ng hidwaan o political impasse, bagkus ay bahagi ito ng demokratikong proseso at malayang diskurso sa loob ng pamahalaan.

Inihayag ni Castro na patuloy na isusulong Marcos administration ang kapayapaan, katatagan, at pambansang interes ng Pilipinas.