Lumalabas sa ulat ng International Organization for Migration (IOM) ng United Nations na hindi bababa sa 139 na tao, kabilang ang 15 bata, ang namatay matapos tumaob ang isang bangkang may sakay na mahigit 300 pasahero sa baybayin ng Djibouti.
Nangyari ang insidente sa pagitan ng Huwebes ng gabi at Biyernes ng madaling-araw sa Dagat ng Aden habang papunta ang bangka sa bansang Yemen mula sa Djibouti.
Puro mga mamamayan ng Ethiopia ang higit 80 nakaligtas sa naturang shipwreck, habang patuloy pa rin ang paghahanap at pagsagip ng mga awtoridad ng Djibouti sa 84 na natitira pang nawawala.
Ayon sa IOM, ang trahedyang ito ay muling nagpapaalala sa matinding panganib na kinakaharap ng mga migrante na naghahahanap lamang ng trabaho at mas ligtas na pamumuhay sa Gitnang Silangan.
Patuloy ang pagtulong ng mga rescue team sa mga nakaligtas at pagpapatibay ng mga hakbangin upang maiwasan ang panibagong aksidente sa naturang ruta.















