Bumaba nang isang pwesto ang Filipino tennis star na si Alexandra “Alex” Eala tungo sa No. 19 sa pinakabagong Women’s Tennis Association (WTA) official rankings na inilabas ngayong Lunes.
Mula sa kaniyang career-high ranking na No. 18 noong nakaraang Agosto, mayroon na ngayong 2,241 puntos ang 21-anyos na pambato ng Pilipinas.
Ang bahagyang pagbaba ni Eala sa ranking ay kasunod ng pag-akyat ng Belgian tennis player na si Elise Mertens mula No. 19 tungong No. 14 matapos makalikom ng 2,540 puntos.
Sa kabila nito, si Eala pa rin ang may pinakamataas na naabot na ranggo sa kasaysayan ng South-East Asia sa WTA Tour, matapos nitong lagpasan ang dating tala nina Yayuk Basuki ng Indonesia at Tamarine Tanasugarn ng Thailand na parehong nagtapos sa No. 19.
Samantala, nakatakda namang simulan ni Eala ang kaniyang kampanya sa 1000 Wuhan Open ngayong Lunes ng gabi laban sa Chinese qualifier na si Han Shi, habang makakapareha naman niya ang Turkish player na si Zeynep Sönmez sa doubles event laban sa tambalan ng Ukraine.
















