Binabantayan ng state weather bureau ang posibilidad ng muling pagpasok ng tropical depression (TD) Bising, kasabay ng paglabas nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw.
Sa press briefing ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw (July 4), binigyang-diin ni Assistant Weather Services Chief Chris Perez na may posibilidad pa ring lalong lalakas ang naturang bagyo sa mga susunod na araw.
Kasabay kasi ng paglabas ng bagyong Bising sa PAR, nananatiling mataas ang tyansa nitong muling bumalik sa teritoryo ng bansa, batay sa tinatahak nitong direksyon.
Sa araw ng Lingo (July 6), posibleng papasok muli ito sa PAR at sa pagpasok nito ay maaaring lumakas at tuluyang maging tropical storm mula sa kasalukuyang kategorya na tropical depression (TD).
Maaari ring lalong lumakas ang bagyo at tuluyang maging sever tropical storm habang nasa loob ng PAR sa araw ng Lingo at sa susunod na mga araw.
Kung mangyari ang mga ito, maaari aniyang mas mabibigat na pag-ulan ang dadalhin ng bagyo sa ilang bahagi ng Luzon.
Ayon pa kay Engr. Perez, patuloy itong babantayan ng weather bureau dahil sa dala nitong pag-ulan na sinasamahan ng mga pag-ulang dulot ng habagat.
Paliwanag ng opisyal, tatlong magkakasunod na araw nang nakakaranas ng mga serye ng pagbaha ang malaking bahagi ng Luzon, lalo na sa Northern at Central Luzon, kaya’t kung magpatuloy pa rin ang mga pag-ulan ay tiyak na aniyang magdudulot ito ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.