Hindi dapat ituring ng prosekusyon na patibong o trap ang hinihingi sa kanila na ikalawang sertipikasyon ng Senate impeachment court kung nais ituloy ng 20th Congress ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte
Tugon ito ni Senate impeachment court Spokesperson Atty. Regie Tongol makaraang sabihin ni Akbayan Representative Chel Diokno na dapat mag-ingat ang Kamara sa hinihinging sertipikasyon kung nais pa ring isulong ang paglilitis laban sa bise presidente.
Ayon kay Diokno, na maaaring maging bahagi ng prosecution team na — sapat ng pruweba ang eleksyon ng prosecutors sa pagbubukas ng 20th Congress sa July 28 na committed sila na ituloy ang paglilitis laban kay VP Sara.
Tugon ni Tongol, ang hinihinging sertipikasyon sa kanila ng impeachment court ay bahagi ng pagsisikap na tiyaking lehitimo ang proseso at pagsunod sa pamantayan ng Konstitusyon.
Ituring dapat aniya itong mahalagang bahagi ng proseso upang maiwasan ang anumang komplikasyon na maaaring magpahina sa impeachment process kapag ito ay nagsimula nang rumolyo.
Layunin din aniya ng hinihinging sertipikasyon na mapanatili ang integridad ng nakaambang pagdinig.
Sa huli, nagpaalala ang tagapagsalita na ang pagsasawalang-bahala rito o tangkang pahinain ang proseso ng Impeachment Court ay banta sa kredibilidad ng Korte, at maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa buong proseso.
Hinimok nito ang publiko at ang lahat ng partido na sangkot na makibahagi sa usapin at iwasan ang pagbibintang o paninira sa Senate impeachment court.