-- Advertisements --

Nahalal sa ginanap na ika-130 Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Anda, Bohol si Archbishop Gilbert Garcera ng Lipa bilang bagong pangulo ng CBCP.

Siya ang hahalili kay Cardinal Pablo Virgilio David ng Kalookan, na magtatapos ng kaniyang ikalawang termino sa Nobyembre 2025.

Pormal na uupo si Garcera sa posisyon sa Disyembre 1, 2025, para sa dalawang taong termino.

Sa pananaliksik ng Bombo Radyo, nabatid na ipinanganak si Bishop Garcera noong Pebrero 2, 1959 sa Magarao, Camarines Sur.

Naordinahan bilang pari noong 1983 para sa Archdiocese of Caceres, at naging obispo ng Daet mula 2007 hanggang 2017.

Itinalaga siya bilang Arsobispo ng Lipa noong 2017, na may higit 3.3 milyong mananampalatayang nasasakupan.

Nagsilbi din ito bilang chairman ng CBCP Commission on Mission at Commission on Family and Life, at naging bahagi ng CBCP Permanent Council bilang kinatawan ng Southeast Luzon.

May doctorate sa Organization Development mula sa SAIDI at master’s degree sa Religious Studies mula sa Ateneo de Manila.

Bilang bagong pinuno ng CBCP, inaasahang pamumunuan ni Garcera ang mga obispo sa mga isyung moral, pastoral, at panlipunan, habang pinapalalim ang konsultasyon sa mga layko sa ilalim ng synodal journey ng Simbahan.

Umani naman si Garcera ng pagbati mula sa mga nakasama niyang pari at mga residente ng Camarines provinces kung saan siya nagmula at matagal na nanilbihan.