Hinihimok ang mga paaralan at educational institutions sa bansa na ideklara ang Pebrero 25 bilang academic holiday para sa paggunita ng EDSA People Power Revolution.
Sa isang joint statement, hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catholic Education (CBCP-ECCE) at Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang mahigit 1,500 na Catholic schools na miyembro nila na suspendihin ang regular classes sa naturang petsa, at sa halip ay magdaos ng mga aktibidad upang palalimin pa ang pang-unawa ng mga mag-aaral sa makasaysayang pangyayari.
Anila, ang araw na ito ay dapat na ideklarang academic holiday para sa pagninilay, pag-alala, at paghubog sa pagkamamamayan.
Ang EDSA rin aniya ay hindi lamang isang paggunita kundi isang hindi natatapos na kilusan na humihiling ng aktibong pakikibahagi, at nagkakaisang paninindigan mula sa lahat ng sektor.
Para aniya tunay na kilalanin ito, dapat na labanan ang rebisyunismo, depensahan ang demokratikong mga prinsipyo at magtatag ng isang nasyon kung saan nananahan sa reyalidad ang hustisiya, dignidad at kapayapaan.
Ilang unibersidad na ang nag-anunsiyo ng suspensiyon ng klase sa mga petsa sa pagitan ng Pebrero 23 at 25 kabilang ang Ateneo at La Salle na ilan lamang sa makasaysayang lugar noong 1986 snap election na humantong sa People Power Revolution.
















