-- Advertisements --

Plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) na simulan ang pamamahagi ng unified I.D. system sa Oktubre 2025.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Information and Communications Technology and Chief Information Officer, Johannes Paulus Acuña, sisimulan muna ito sa ilang mga piling lokal na pamahalaan.

Ngayong buwan ay nasa ilalim na aniya ng ‘internal pilot testing stage’ ang ahensiya bilang paghahanda sa actual roll out ng mga naturang ID.

Sa ilalim ng naturang stage, tinitingnan kung paano mas magiging epektibo ang paggamit sa bagong ID system ng mga PWD.

Binuo ang bagong ID system upang matugunan ang umano’y pagkalat ng mga pekeng PWD IDs na dati nang inirereklamo sa mga nakalipas na buwan.

Sa mga susunod na buwan, magpapatuloy aniya ang testing stage hanggang sa tuluyang simulan na ang pamamahagi sa Oktubre. Habang gumugulong ang testing, nakikipagtulungan din ang DWSD sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalakas ang security feature ng mga bagong ID.

Kabilang sa mga kalakip dito ay ang mas maayos na verification system para sa mga PWD ID holder sa pamamagitan ng Philippine Identification System database.

Mayroon din itong quick-response o QR code upang mas mabilis na matukoy na lehitimo ang ID.

Sa mga mag-aaply na PWD, kailangan muna silang magpakita ng national ID.