-- Advertisements --

Ligtas na nakabalik sa Central Visayas ang apat na Pinoy na nagtatrabaho sa Iran noong sumiklab ang 12-day war.

Unang humingi ng tulong ang mga ito sa embahada ng Pilipinas na nakabase sa naturang bansa upang makabalik sa lalong madaling panahon.

Sa tulong ng embahada, Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration, ligtas na naibiyahe ang mga ito mula Iran patungong Manila hanggang sa makauwi sa Central Visayas.

Tatlo sa kanila ay nagtatrabaho bilang mga shrimp hatchery technician habang ang isa ay nagtatrabaho bilang clerk sa United Arab Emirates. Nagkataon na bumiyahe siya sa Iran noong bago sumiklab ang giyera hanggang sa tuluyan na siyang inabutan ng kaguluhan at kinalaunan ay humiling na lamang na makabalik sa Pilipinas.

Ipinagkaloob sa apat ang tig P75,000 cash mula sa OWWA habang nakatanggap din ang mga ito ng tig-P75,000 mula sa DMW.

Nagbigay din ang Department of Social Welfare and Development ng tig-P20,000 sa bawat isa.

Nananatili pa rin ang Alert Level 3 sa Iran, habang ibinaba na sa Alert Level 2 ang alerto sa Israel.