Kinumpirma ng Department of Justice na mayroon na silang ‘lead’ kung saang lokasyon sa Taal Lake dapat isagawa ang pagsisid upang mahanap ang bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, meron na silang pinanghahawakan na mga impormasyon hinggil sa planong pagsasagawa ng ‘diving operation’.
Kaya’t kanyang ipinagmalaki na ang hawak nilang lead ngayon ang siyang magagamit upang matukoy ang lokasyon at kung papaanong operasyon ang dapat maisakatuparan.
Ngunit aminado naman ang naturang kalihim na hindi ito biro sapagkat aniya’y nasa 200 square kilometers ang lawak ng Taal lake kung saan hinihinalang inilibing ang mga biktimang sabungero.
Matatandaan na isinawalat ni alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan ang alegasyong nailibing na umano ang mga ito sa bahagi ng Taal lake.
Bunsod nito’y ang Department of Justice ay inihayag ang kanilang determinasyon para lamang matukoy ang katotohanan hinggil sa pagkawala at paghahanap sa bangkay ng mga sabungero kung ito ay totoo man.
Samantala ibinahagi naman ni Justice Secretary Remulla na ang planong pagsasagawa ng diving operation ay hindi pa muna maisasakatuparan.
Aniya, ito’y dahil sa lagay ng panahon kaya’t naantala ang operasyon na pagsisid sana na siyang kanilang pinaplano upang mahanap ang bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Ngunit sa kabila naman nito, kanyang sineguro na ginagawa ng kagawaran ang lahat maresolba lamang ang kaso ng mga ‘missing sabungeros’.
Kaugnay pa rito, maisa pang ulit na inihayag ni Justice Secretary Remulla ang pakikipag-ugnayan sa bansang Japan hinggil sa paghingi ng tulong.
Aniya’y malaki ang maitutulong dito ng naturang bansa dahil sa ibang klasing ‘diving operation’ ang kinakailangang isagawa.