-- Advertisements --

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na nanawagan siya ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng administrasyon.

Sa panayam sa Zamboanga City, sinabi ng Bise Presidente na hindi kailanman niya hiniling ang pagbibitiw ng Pangulo, ngunit hinamon niya ito na sumailalim sa drug test, kasunod ng hamon ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez.

Aniya, hanggang ngayon ayaw umanong gawin ito ng Pangulo at para kay VP Sara, maituturing itong betrayal of public trust.

Giit pa ng Pangalawang Pangulo na bilang pinuno, dapat italaga ni Pang. Marcos ang sarili sa paglilingkod sa bayan.

Tinawag niya ring “pointless call” ang panawagang “Marcos resign,” dahil hindi aniya magbibitiw ang Pangulo at inihalintulad sa naging pamumuno ng kaniyang yumaong ama na si dating Pang. Ferdinand Marcos Sr. na nagsilbi ng dalawang dekada sa puwesto.

Hiiniling din ni VP Sara sa Pangulo na gawin ang kaniyang trabaho.

Matatandaang ilang grupo ang nanawagan ng pagbibitiw ng Pangulo noong September 21 protest sa gitna ng isyu ng korapsyon sa mga flood control project.