Hinimok ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Biyernes, Oktubre 10, ang Department of Agriculture (DA) na unahin ang pagtatayo ng mga first-border inspection facilities, na tinawag niyang mahalagang pamumuhunan para maprotektahan ang sektor ng agrikultura sa bansa mula sa bilyon-pesong pagkalugi dulot ng pagpasok ng peste at sakit.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang badyet ng DA para sa 2026, binigyang-diin ng senador na ang pagtatayo ng Cold Examination Facilities in Agriculture (CEFA) ay isang matagal nang kinakailangang hakbang upang palakasin ang biosecurity ng agrikultura at maprotektahan ang mga lokal na magsasaka.
Tinukoy niya ang mga nakaraang krisis sa agrikultura—tulad ng African Swine Fever (ASF) at cocolisap infestation—na nagdulot ng malalaking pagkalugi sa industriya ng baboy at niyog, ayon sa pagkakabanggit.
Bagama’t aabot sa tinatayang P1.9 bilyon ang kabuuang gastos para sa limang CEFA, sinabi ng senador na maaari nang simulan ng DA ang konstruksyon sa tatlong site upang maumpisahan na ang proyekto.
Binigyang-diin ni Pangilinan na ang pagtatayo ng CEFA facilities ay magpapahintulot sa maagang pagtukoy at pagkontrol ng mga sakit at peste na pumapasok sa pamamagitan ng mga inaangkat na produktong agrikultural.
Ang mga pasilidad na ito—na may kasamang modernong laboratoryo, quarantine areas, at inspection systems—ay idinisenyo upang suriin ang inaangkat na karne, ani, at plant materials bago ito ipamahagi sa buong bansa.