Pormal nang hiniling ni Innternational Criminal Court (ICC) Prosecutor Chief Karim Khan sa Appeals Chamber na ibasura ang hiling na i-diskwalipika siya mula sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kaniyang submission, iginiit ni Khan na pawang espekulasyon lamang at walang basehan ang mga claim ng depensa laban sa kaniya na bigong masunod ang mga itinatakdang legal threshold para sa diskwalipikasyon sa paghawak sa kaso.
Paliwanag ng ICC Prosecutor Chief na hindi nakompormiso sa kaniyang pagiging patas ang kaniyang naging limitadong papel sa pormal na submission noong 2018 na tinatawag na Article 15 communication, na isinumite ng mga indibidwal, grupo o organisasyon na humiling sa Korte para imbestigahan ang umano’y mga krimen sa ilalim ng war on drugs.
Nanindigan si Khan na ang Article 15 communication ay isinumite bago pa man simulan ang anumang pormal na imbestigasyon kayat samakatuwid, hindi ito maituturing na legal proceedings pa sa ilalim ng Rome Statute.
Binigyang diin din ni Khan na walang overlap na nangyari sa pagitan ng panandaliang pagkatawan niya sa mga biktima noong 2018 at ang naging reference sa arrest warrant application.
Sa huli, pinagtibay ni Khan ang kaniyang paggalang sa authority ng Appeals Chamber at inihayga na sakaling makahanap ang kapulungan ng resonableng basehan ng pagiging bias o hindi patas, buong tatalima aniya siya sa desisyon ng Chamber.
Sa ngayon, wala pang inilalabas ang ICC na ruling kaugnay sa disqualification request ng defense team ng dating Pangulo.
Matatandaan, nag-ugat ang disqualification request ng depensa dahil sa umano’y “irreconciliable conflict of interest” ni Khan dahil sa pagrepresenta niya noon sa mga biktima ng umano’y extra-judicial killings sa Pilipinas at ang kaniyang sumunod na papel bilang Chief ICC Prosecutor na naatasang magsagawa ng patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa parehong polisiya ng pagpatay.