-- Advertisements --

Nanawagan si Health Secretary Ted Herbosa sa ating mga kababayan na huwag kaligtaan ang mental health ng mga Pilipinong labis na naapektuhan ng mga sakuna at kalamidad na ating nararanasan.

Kasabay nito, pinaigting pa ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng iba’t ibang hakbang na naglalayong matulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng lindol at iba pang trahedya.

Batay sa datos ng ahensya, umaabot na sa 1,522 na indibidwal mula sa iba’t ibang bahagi ng Cebu ang nakatanggap ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS), pati na rin ang iba pang kaukulang intervention.

Dagdag pa rito, naghanda na rin ang DOH ng isang komprehensibong plano para sa pagbibigay ng psychological first aid sa Davao Region at sa mga kalapit na lugar na niyanig din ng lindol noong Biyernes.

Ayon kay Secretary Herbosa, ang mga aksyon na ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking hindi mapapabayaan ang kapakanan ng mga mamamayang nakararanas ng takot, matinding pagkabahala, o anxiety.

Tinitiyak ng pamahalaan na mabibigyan sila ng kalinga, maging sila man ay pansamantalang naninirahan sa mga tent city o nakabalik na sa kanilang mga tahanan.