-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Taiwan ang panibagong agresibong aksyon ng China laban sa mga barko ng Pilipinas malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.

Ayon sa Taiwan Ministry of Foreign Affairs, ang mapanganib na maniobra ng China ay banta sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon, at nagdulot ng pinsala sa isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Batay sa ulat, gumamit ng malalakas na water cannon at binangga ng Chinese Coast Guard ang barko ng Pilipinas, humigit-kumulang 1.6 nautical miles mula sa Pag-asa Island. Walang nasugatang Pilipino, ngunit nagkaroon ng bahagyang pinsala sa isa sa mga barko nito, ayon kay PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela.

Bagamat itinanggi ng China ang pananabotahe at iginiit na pumasok umano sa kanilang karagatan ang mga barko ng Pilipinas malapit sa Sandy Cay, sa pagitan ng Pag-asa at Subi Reef.

Mariing tinutulan naman ito ng Taiwan, na nanawagang lutasin ang sigalot sa mapayapang paraan alinsunod sa international law at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Samantala, kinondena rin ng Estados Unidos, Japan, Australia, New Zealand, at European Union ang ginawang agresyon ng China, at muling tiniyak ng Amerika ang commitment nito sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa Pilipinas.