Nananawagan si Navotas Representative Toby Tiangco sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad kanselahin ang pasaporte ni Zaldy Co, nagbitiw na kinatawan ng Ako Bicol Party-list, upang mapilitang bumalik sa bansa at harapin ang mga kasong may kaugnayan sa diumano’y maling paggamit ng bilyun-bilyong pondo ng bayan para sa mga kaduda-dudang proyekto sa flood control.
Ginawa ni Tiangco ang panawagan kasunod ng pagpapalabas ng subpoena ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kay Co para humarap sa pagdinig kaugnay ng mga flood control projects sa darating na Oktubre 14.
Binigyang-diin pa niya na kailangang kumilos agad ang DFA upang hindi magamit ni Co ang panahon para mag-apply ng citizenship sa ibang bansa na walang extradition treaty sa Pilipinas.
Sinabi ni Tiangco,”Time is of the essence”, Dapat pauwiin si Co sa lalong madaling panahon at huwag bigyan ng oras para makakuha ng passport o citizenship sa ibang bansa.
Kung magpaligoy-ligoy ang DFA at makakuha ng pasaporte si Co sa bansang walang extradition, tanong ni Tiangco sino ang mananagot.
Sinabi pa ni Tiangco na suportado rin ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang panawagang kanselahin ang pasaporte ni Co.